Ano nga ba ang araw ng isang OFW o yung Overseas Filipino Worker? Di naman mahirap isipin kung paano niya inuubos ang buong araw niya. Pero bago natin pag-usapan yan, balikan muna natin kung paano naisipan ng isang Pinoy o Pinay na mangibang bansa.
Matagal na din ako dito sa Middle East, almost 13 years na din. Ang desisyon ko na pumunta dito noon ay di dahil sa pera, kundi sa isang maliit na problema namin sa bahay na dumating sa pagkakataong, kailangan kong mamili at pag - isipan ang mga hakbang ko sa araw araw. Isang problemang nagsimula lang sa di naintindihang tanong ko sa aking kabiyak na nauwi sa sigawan na umabot sa mga tenga ng mga nakatambay na kalalakihan at kababaihan sa aming bayan. Ang aking tanong ay nagbabadya lamang ng pag-alala ngunit sa pandinig ng aking kabiyak ay hindi pala maganda. Likas sa akin ang pagiging makulit, masayahin, at higit sa lahat, parang teenager lang kung kumilos, ngunit di ibig sabihin noon na ako ay batang isip. Seryoso ako sa mga usaping buhay at pamilya. Ngunit ang maikling pagsusulat na ito ay di kwento ng buhay ko, kung hindi kwento naming mga OFW.
May kanya-kanyang dahilan kung bakit kami nagdesisyong iwanan ang pamilya at mangibang bansa. Problema sa pera, sa anak, sa asawa, sa syota, sa kamag-anak, sabihin nyo na lahat ang gusto nyong sabihin, at siguradong isa sa mga iyon ay tumpak. Sa isang seminar at orientation o ang tinatawag na PDOS (Pre-Departure Orientation Seminar) ay tinatalakay ang lahat ng dahilan na pwedeng mangyari sa iyong pamilya habang ikaw ay nasa labas ng bansa. Sa kadahilanang, halos karamihan ay nakatukoy sa reyalidad ng buhay, ang pakay ng seminar na ito ay upang ihanda ang mga OFW na magkaroon ng lakas ng loob, tapang, tibay, at magkaroon sya ng iisang dahilan na ang paglabas nya ay para sa kanyang pamilya at di lamang sa pansariling kapakanan. Dito sa seminar na ito ako maraming nakilala, maraming inalalayan, lalo na ang mga taong gusto lang lumabas ngunit di marunong bumasa o sumulat man lamang. Nalulungkot ako sa maaring mangyari sa kanila, ngunit ang tanging magagawa ko na lamang ay ang ipagdasal na sila ay makatagpo ng maayos na amo, na tratuhin din silang kasapi ng pamilya. Isang babae ang lumapit sakin noon sa PDOS, nakiusap na tulungan ko syang isulat ang kanyang pangalan, edad at address kung saan siya nagmula. Ginawa ko naman ang nais niya dahil isa sa mga naroroong tagapamahala ang nakiusap sakin na kung maari ko silang alalayan dahil sa dami ng kanilang ginagawa. Habang kausap ko siya, naisipan kong magtanong kung bakit niya naisipang umalis sa ganoong kalagayan niya. Eto ang kanyang sagot sakin " si mister ko batugan, umaasa lang sa magulang, kaya pag walang binigay ang magulang gutom kami, " hindi ako nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay, kaya gusto ko ding makatapos mga anak ko sa pangarap nilang propesyon, kung aasa ako sa asawa ko, walang mangyayari sa buhay namin." di ako nakapagsalita sa bagay na iyon, ngunit napansin ko syang napahikbi, kaya humingi ako ng paumanhin. Maya-maya pa ay may lumapit sakin, sinabihan daw sya nung nasa lamesa na babae na sakin magpatulong, kaya gayun din ang ginawa ko. Tuluy - tuloy ang pag alalay ko sa mga naroroon, inabot din ako ng maghapon, na kung iisipin nga eh, ilang oras lang sana ang seminar na iyon, pero, masaya ako noong oras na iyon, bukod sa dami kong nakilala at nakasalamuha, madami din akong natulungan. Inimbitahan na lang ako ng isang administrator dun na kumain, ngunit, di na ako sumang-ayon dahil sabi ko sa kanila, kailangan ko na ding makauwi. Sa bahay, di nawawala sa isip ko ang mga samut saring dahilan na nalaman ko sa mga nakasalamuha kong tao. Hindi ako nakatulog sa gabi na iyon, kaya nakita ako ng aking ama na lumabas ng bahay. Ano nga ba ang magiging araw para sa kanila pagdating nila sa bansa na kanilang pupuntahan? Yun pa din kaya ang kanilang dahilan, ang buuuin ang mga pangarap ng pamilya nila, makatulong sa mga magulang, maging maayos ang pamilya, hindi ko alam, at hindi ko din talaga malalaman, kung ano ang magiging araw nila.
Mahirap ang mga araw dito sa ibang bansa. Mula sa paggising, sa pagligo, sa pagsisipilyo, sa pagpalit ng damit, sa paghakbang papasok sa opisina o sa trabaho, ay nasa isip mo ang pamilya mo, ang mga pangarap nyo. Ang mga pangarap ng mga anak mo na kailangan mong suportahan. Ngunit sa kadalasan, kailangan mo silang pansamantalang kalimutan para makapagsimula ka sa trabaho, makatapos ka ng gagawin mo, ng mga gawain mo, at sa paglabas mo ng opisina, o sa pagbreak time mo, sila na naman ulit ang nasa isip mo. Ngunit ang di nila alam kung paano mo hinaharap ang mga problema mo, ang mga pagsubok sa araw-araw. Kung sino ang karamay mo pag nagkakaroon ka ng sakit, o may dinaramdam ka. Ang hirap itago di ba? Sa kadahilanang , ayaw mo silang mag-isip para sa iyo, pinipilit mo na ipakita sa kanila na ok lang lahat, na maayos ka, na walang problema, pero sa likod noon, nangungulila ka sa presensya nila, sa mga ngiti at tawa nila, sa mga yakap at halik ng pagmamahal nila sa iyo. Ang buong isang araw ng OFW ay napakahirap isakatuparan, kaya ang iba, kagaya ko, inilulublob ang sarili nila sa kanilang trabaho. Ang isang araw ng OFW ay punung-puno ng pagpapanggap, ibang anyo sa harap ng mga katrabaho mo, at ibang anyo sa paglabas mo sa trabaho. Nakangiti sa harap nila, nangungulila naman ang puso mo. Sa pag-uwi galing sa trabaho, hanggang sa paghiga mo sa iyong kama sa kwarto, bumabalik ang alala ng mga nakaraan mo at masasayang araw na kapiling mo ang iyong pamilya. Kadalasan, ipinipikit na lang natin ang mga mata, at kaddalasan naman, tumutulo ang ating luha ng di natin namamalayan. Ngunit, pamilya pa din natin ang dahilan kung bakit tayo matibay at matapang na tinatapos ang buong araw na meron tayo sa ibang bansa. Sa ganitong paraan natin naipapakita at naipapadama sa kanila kung gaano natin sila kamahal at pinapahalagahan. Masaya na tayong naalala nilang itext or sulatan man lang. Mas lalo tayong masaya pagkatapos nating marinig ang mga boses nila, makita ang mga mukha nila sa camera. Di ba, lalo kang ginaganahan humarap sa bago na namang araw sa buhay mo bilang OFW. Ngunit kadalasan, hindi ganito ang nangyayari, may mga taong tumataliwas sa kanilang sinumpaang pangako, na nagiging dahilan ng pagkasira ng pamilya at ng kanilang mga pangarap. Ito ang pinakamahirap na Araw para sa mga OFW. Kadalasan naman ang pagkakabalewala sa isang miyembro ng pamilya na nagresulta sa pagkakasakit nito ng malubha. Ito din ang nagpapagupo sa ting tibay. At sa mga kadahilanang mga tsismis at katotohanang ang asawa o nobya o nobyo ay nagloko, isa din ito sa mga nagiging dahilan para tayo magrebelde at sumandal sa iba. Ito din ang dahilan kung bakit maraming OFW sa ibang bansa ang nagkakaroon ng babae, lalake, asawa at pamilya. Ang dating masayang dahilan mo at pangarap, ay biglang nag-iba. Ang iba ay mas lalong sumaya dahil nakawala sila, ngunit nakalimutan ang mga anak na naaapektuhan ng pagkakamali. Kadalasan naman ay nagkakilala lang sa isang party ng kaibigan, nagkatitigan, nagkagustuhan at yun na. May isang pamilya na naman ang nasira ika nga. Ngunit, may mga pagkakataong hindi ito maiiwasan, dahil na din sa lungkot na ating nararamdaman, pero paano ito iiwasan? Yan ang tanong na ang sagot ay ikaw lang mismo ang nakakaalam. Sa ganang akin, mas pinatibay ko ang pagtitiwala, pananampalataya, pagmamahal ko sa king pamilya, sa Diyos na laging gumagabay sakin sa araw at pagtitiwala ko sa aking esposa, sa aking mga anak, at sa aking mga pamilya. Sa kadahilanang hindi ka nabigyan ng pagkakataong na makapagsimba man lamang, duon ko sa loob ng kwarto ko ibinuhos ang aking pananampalataya.
Sa mga okasyong na dumarating, katulad na lang halimbawa ng Pasko, Bagong Taon, Kaarawan ng mga anak, dumarating sa pagkakataon na ang sinasakluban tayo ng kalungkutan. Sa isiping ang Pasko at panahon ng pagsasama-sama ng pamilya at panahon ng kasiyahan, ikaw ay nasa malayo. Ika naman sa Bagong Taon, Bagong buhay, natatanong mo sa sarili mong paano magiging bagong buhay, kung ikaw naman ay malayo sa piling ng mga mahal. Mas higit pa sa kalungkutan ang nararamdaman pag narinig mo na ang iyak ng iyong mga anak dahil namimiss ka na nila, at ikaw lang tanging importanteng bisita na wala sa kaarawan nya. Masakit sa damdamin di ba?
Kung minsan, dumarating din sa pagkakataong naiinis ka o nasusukluban ng galit, lalo na ang bukambibig ng iyong esposo o esposa ay "wala na kaming panggastos" , na sa kabila noon ay kakapadala mo palang noong nakaraang dalawang araw. Na nasasabi mo sa sarili mo, "ako, namamaluktot na sa trabaho dahil pinadala ko na sa inyo, samantalang kayo, puro gastos nasa isip nyo, ni hindi mo nyo man lamang naitanong kung nakakain na ako ng tanghalian, o agahan, o hapunan", pero sa kabila ng mga sumbat na iyon, ang tanging nabibigkas mo ay " huwag kayong mag-alala gagawa ako ng paraan".
Mas Masakit din na isipin na ang inaalagan mo ay anak ng iba, Ngunit ang sarili mong anak ay hindi mo maalagaan dahil malayo ka. Kaya ang ginagawa mo kadalasan, ay ituring mong anak mo din ang iyong inaalagaan. Ngunit sa kabila naman nito, sa pagalaki ng alaga mo, sa pagbibigay mo ng pagmamahal at pag-aaruga sa kaniya, bitbit nya sa paglaki nya ang pagmamahal na iyon. Hindi mo din namamalayan na sa paglaki nya, ang mga aral na itinuro mo ay dala nya, na sa kabila ng mga iyon, itinuring ka na nyang pangalawang ina. Habang napapalapit ang isang bata na itinuturing mong anak, isang anak naman ang napapalayo ng loob sa iyo. Ngunit, dahil sa umiiral ang pagiging ina mo, ginagawa mo ang lahat ng paraan na mapalapit sa kanya kahit malayo ka, at kadalasan, nagiging maganda ang resulta.
Malungkot ding isipin na sa pagkakasakit mo, ay ikaw lang mag-isa. Kadalasan, gusto mo man sabihin sa kanila na may sakit ka, mas nanaisin mong ayaw mo silang mag-alala. Kaya sa pagkakaratay mo, natututo kang manampalataya sa Diyos na sana ay pagalingin ka at bigyang lakas para sa pamilya. Sa pagkakaratay mo sa kama, dahil na din sa sakit, nanduon pa din yung tinatawag na "laban". Kung minsan, hindi na lang natin iniinda o pinapansin yung sakit natin dahil na rin sa ang pamilya ay magugutom, Ngunit sa kalaunan, lumalala na pala. Kaya laging natin isinasaisip ang kalusugan, na dapat hindi tayo agad agad bumibigay. Dahil na din sa kasabihang, "mahal magkasakit, Ngunit mas Mahirap magutom ang pamilya."
Ang kalayaan ng isang OFW ay isang "One Way Ticket" at Visa na nagsasabing "Exit". Makakalaya ka na sa mga sakit, hirap, sama ng loob, lungkot at hapdi ng buhay na dinanas mo, Ngunit naging isang matapang na tao, matatag, matibay, at mapag-arugang tao. Sa pagkakataong ito, magagawa mong makabawi sa mga oras na nawala sa buhay mo na dapat sana ay kasama ang pamilya mo.
Sa kabila ng mga ito, dapat nyo ding isipin, na hindi lahat ay kalungkutan o sakit. Dapat ding umiral sa isang OFW ang pag-iisip ng "positive", dapat ding isa alang alang ang mga plano at pangarap. Nararapat ding pairalin ang pagiging mapang-unawa at lawak ng pag-iisip. Huwag ding pairalin ang galit at sama ng loob sa puso, bagkus, punuin ang puso mo ng pagmamahal at ng tinatawag sa ingles na " Sense of Purpose". Pagtibayin ang pananampalataya at pagtitiwala sa pamilya at May Kapal, dahil sa huli, sila pa din ang nais nating makasama at ang Diyos pa din ang magsasalba at sya din ang magbibigay sa iyo ng gantimpalang walang ano mang bagay sa mundo ang katumbas.
Ang mga nababasa nyong dahilan ay isa o ilan lamang sa mga nararanasan sa araw ng buhay ng mga OFW. Marahil masasabi nyong, iba naman ang nararanasan nyo. Ngunit hindi lahat ay sakit at lungkot, dahil sa pagiging maayos ng pamilya at pagmamahalan nyo, kasabay ng pagtitiwala, sa pag-uwi mo, sa muling pagkikita nyo, sa muling pagsasama-sama nyo, tagumpay ang isisigaw mo.
Sa mga OFW na katulad ko, "MABUHAY KAYO".
Dahil kayo ang
sandalan ng ating bayan at pamilya,
bagong bayani,
ang mga Juan Dela Cruz na walang patumanggang nagsisilbi sa bayan,
ang mga mapagmahal at mapag-arugang mga ina at ama,
ang santa claus ng pamilya,
and payaso at taga bigay ng saya.
at higit sa lahat, kayo ang buhay na katotohanan sa salitang " SAKRIPISYO".
"Salute to all OFWs, HEROES of the Modern World".